CREATIVE JUICES once OVERFLOWING

0 comments
PICKLED THOUGHT
an opinion article of mine from our school paper

TRINITY OBSERVER
published October 14 2004 Vol 37 Issue 3


PILIPINO SA KUKO NG DILIM

Marami akong kaibigan. Karamihan sa mga kaibigan ko ay may kutis na mas maputi kaysa sa akin. Madalas akong sumama sa kanila at madalas ko ring ihalo ang aking kulay sa kanila. Whitening lotion, milk soap, at kung anu-anong kulay ng papaya soap na naglipana sa merkado; lahat nasubukan ko na. Resulta? Kayumanggi pa rin.

Maihahambing ang kulay ko sa mga kulay chico at kulay ng siko ng kaibigan kong mestizo. Karamihan sa mga friendship ko ay maswerte nananalaytay sa kanilang ugat ang dugong Hapon, Intsik, at Kastila. Sa mga ugat ko ay nananalaytay ang mga sumusunod na dugo: 1/32 na dugong Kastila mula sa aking lolo sa tuhod, 1/16 mula sa Batangueno kong lolo, 1/4 na dugong Cebuano, at ang natitira ay mula sa aking amang Bikolano. Tawag sa lahi ko: Bacekol Con Salsa. Pwede mo na rin akong ihambing sa isang multi-regional DVD player.

Sa aking kulay, madalas akong mag-mukhang P.A. (Personal Alalay) kapag kasama ko ang aking mga kaibigan. Minsan na rin akong napagkamalang snatcher o manggagantso. Minsan pa nga, parang pinararamdam sa akin ng mundo na ako'y invisible.

Napadpad ako minsan sa Discovery Suites para kunin ang premiere night tickets na napanalunan ko. Siyempre, dapat kong iwan ang ID ko sa desk officer para kumuha ng visitor's pass. May konyo sa likod ko na kukuha rin ng permiso na pumasok. Dahil sa kayumanggi ang kulay ko at kaputian ang nasa likod ko, inuna siyang asikasuhin ng desk officer. Galing, 'no? Ito pa - kinuwestyon ang ID ko dahil hindi ko kamukha ang nasa litrato. (*note: salamat sa flash) Para mapaniwala silang ako nga iyun, tinanong nila ang ibig sabihin ng middle initial ko, "S****o". Tunog Kastila di ba? Ayun, nakakuha rin ako ng visitor's pass. Ayoko na nga tumuloy sa 12th floor ng gusali para kunin ang tickets, baka mapagkamalan naman akong elevator assistant. Sa paglalakad namin ng kasama kong may mukhang Haponesa, ninais ko na lang na siya na ang humarap sa front desk ng opisinang pupuntahan namin. Tila consolation prize ang nakuha ko nang humarap ako sa front desk. "Good afternoon, sir, how may I help you?" ang banat ng babae sa akin. Sa wakas, natapos din!

Hindi ko sukat-akalaing makararanas ako ng diskriminasyon sa sarili kong bansa. Ang masaklap pa nito, nakukuha ko ito sa kapwa ko Pilipino, 'di lamang sa mga banyagang naririto sa bansa para pagmasdan at kilatisin ka kung nararapat ka bang tumuntong sa bansang kanilang pinanggalingan. Tulad na lamang ng nabasa ko sa Internet tungkol sa isang lolo na nais pumunta sa Amerika bago siya mamatay. Dinala niya ang apo niya para maging translator dahil hindi siya marunong mag-Ingles. Sinabon siya ng consul ng ganito: "I can't give you a visa, you can't speak English". Sa inis ng lolo ay nagmura ito at ganito ang ipinarating niya sa consul (isinalin ng apo sa Ingles para sa Amerikanong consul): "F*** you! How come you are staying in my country when you can't even speak my language!" Ayos! Nabigyan rin siya ng visa.

Minsan mas pabor pa tayong bigyan ang mga banyaga ng special treatment kaysa ang mga Pilipinong mas nangangailangan nito. Mas masaklap pa ito sa makukuha kong diskriminasyon mula sa mga banyaga kung magkakaroon ako ng trabaho sa labas ng bansa. Saan ako lulugar?

Aminado ako sa katotohanang trying-hard akong magpaputi at maging kapantay ng kutis ko ang kutis ng mga kaibigan kong may kutis-mayaman.

Hindi ninyo ako masisisi.

0 comments: